SHS: Dagdag na hamon tungo sa magandang kinabukasan ng mag aaral


         Ang buhay sa Senior High School ay talaga namang hindi madali ngunit masasabi ko na isa sa napakamagandang karanasan.Mahirap sapagkat napakaraming pagsubok ang pagdadaanan ngunit sa kabilang banda ay masaya, sapagkat dito ko naranasan ang lahat ng masasayang karanasan sa aking buhay bilang mag-aaral, hudyat na bagong kabanata ang nagbukas sa aking buhay bilang mag-aaral.
               Unang araw palang sa skwelahan halo-halong emosyon na  ang aking naramdaman,nandyan ang kaba sapagkat hindi ko pa alam ang pagdadaanan ko dito.Pananabik dahil bagong paaralan ,kamag-aral,at guro ang makikilala,hudyat na panibagong yugto sa aking buhay bilang mag-aaral ang aking tatahakin.Naalala ko pa nga noon,unang araw na pagpasok ko sa Senior High School, sobra akong nahihiya dahil sa dami ng studyante na nakakasalubong ko'y lahat sila hindi ko pa Kilala.Unang pagpapakilala sa klase nangangatog pa ang tuhod ko sapagkat lahat ng sila nakatingin sa akin na animo'y lahat ng sasabhin ko ay importante sa kanila.Sa unang araw napakatahimik na halos hindi mabuka ang bibig dahil nagkakahiyaan sa bawat isa.Ngunit sa paglipas ng mga araw na lubos na ang pagkakakilanlan ,lumabas ang mga tunay na kulay na sa una'y parang mga mahihinhing tao yun pala'y parang mga sirang plaka.Kapag naguusap-usap animo'y nakalunok ng megaphone sa sobrang lakas ng boses nila,at kapag walang guro ang klase kala mo palaging may concert ang banda,sabay sabay kakanta ang lahat na para bang mga bokalista sabay kalampag ng lamesa na ginagawang drum .At kapag walang magawa kanya-kanyang mundo ang bawat Isa --may nakahawak sa cellphone,may nagtsitsismisan nagsisigawan,naghaharutan at kung anu-ano pa,kulang nalang paninda para palengke na ang drama.
               Ngunit sa kabila nito,dito ko naranasan ang matinding hirap.Sinubok ang aking lakas,isipan,at ang aking katatagan.Naranasan ko ang matulog ng madaling araw dahil sa dami ng paperworks na dapat gawin,mga asignaturang dapat tapusin at mga proyektong dapat habulin para maipasa sa takdang araw.Mapuyat sa pag-aaral para sa pagsusulit kinabukasan at kapag mayroong biglaang oral recitation ay para bang nayelo na sa kinauupuan habang
pigil hininga,sabay panalangin na sana huwag nabunot Ang index card mo.Pagkatapos saka pa lamang makakahinga ng maluwag sabay sabing "hay Salamat!".Mga biglaang quiz lahat ay magkukumahog sa magrereview sabay hingi ng papel sa mga kaklase na animo'y mga walang pambili pero,pagdating sa gadget daig pa ang guro sa ganda ng telepono nila.Pagdating naman ng exam ay kaya-kanyang diskarte para pumasa.Hindi na uso Ang spoon-feeding kaya dapat mag-aral ka.May iba pa ngang nangunguha ng notebook ng iba para lang may mapag-aralan ,sabay suli sayo kapag tapos na.Matapos man ang taon magugulat ka nalang sa sarili mo dahil sa napakaraming tigyawat sa mukha mo at hindi mo na kailangan ng eyeliner sa itim ng eyebag mo.Isa lamang ito sa mga karanasan ko dito sa Senior High.nakakatawa man kung iisipin ngunit ang iba sa inyo'y naranasan din ito.Ngunit sa kabila ng lahat hindi matatawaran ang magagandang ala-ala na tatatak sa bawat puso't isipan ng mag-aaral.Hindi lahat ng naranasan sa Senior High ay puro pasakit at hirap bagkus, ay may magagandang ala-ala na kapupulutan ng aral at siguradong babalik balikan natin kahit san man tayo dalhin ng kapalaran.

Comments

Popular posts from this blog